Dumaan sa mahabang pagtatanong ng mga Senador si Philippine Olympic Committee Chairman Peping Cojuangco.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Sports, tinanong ni Sen. Antonio Trillanes kung ano ang nangyari at patuloy sa pagbagsak ang performance ng mga atletang Pinoy sa mga nakalipas na taon.
Sinabi ni Trillanes na nawala ang kinang ng Pilipinas sa mga international competition mula nang maupo si Cojuangco na pinuno ng POC.
Ipinaliwanag rin ni Trillanes na kailangang imbestigahan ng Commission on Audit kung saan ginatos ang pondo para sa training ng mga manlalarong Pinoy.
Sa kanyang panig sinabi ni Cojuangco na malaki ang pagkukulang ng pamahalaan sa pondo para sa pagsasanay sa mga atleta.
Sinabi ni Cojuangco na limitado rin ang kanilang pwedeng isalang sa mga trainings dahil sa kakarampot na pondo.
Ipinaliwanag naman ni Sen. Tito Sotto na mas naging walang kwenta ang performance ng mga Pinoy sa sports mula ng pumasok sa pamamahala nito ang gobyerno.
Sinabi naman ni Sen. Manny Pacquiao na panahon na para bumuo ang gobyerno ng Department of Sports para matutukan ang performance ng bansa sa mga international sport competitions.