Hindi bababa sa 40 miyembro ng Maute terror group ang patay habang 20 sundalo naman ang sugatan sa bakbakan sa Butig, Lanao del Sur.
Ito ang ipinahayag ni Col. Edgard Arevalo, pinuno ng Public Information Office ng Armed Forces of the Philippines.
Hindi pa rin nararating ng militar sa lugar na inokupa ng Maute group ngunit patuloy pa rin operasyon ng AFP ayon kay Arevalo.
Ipinaliwanag ng opisyal na lubos na nag-iingat ang mga sundalo sa pagsalakay dahil posibleng may mga snipers at improvised explosive device sa lugar.
Ipinahayag naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na walang tinukoy na deadline ang pamahalaan sa operasyon laban sa Maute Group.
Bukas ay inaasahang darating si Pangulong Rodrigo Duterte sa Marawi City para personal na tingnan ang sitwasyon sa mga lugar na naapektuhan ng bakbakan.