Tuloy ang pagpunta bukas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Marawi City sa kabila ng naganap na pagpapasabog ng improvised explosive device sa kanyang advance party.
Pitong miyembro ng Presidential Security Group (PSG) at dalawang sundalo ang sugatan sa nasabing pagsabog.
Sa kanyang pagsasalita sa inagurasyon ng mega drug rehabilitation center sa Fort Magsaysay sa Laur, Nueva Ecija ay sinabi ng pangulo na hindi siya matitinag ng mga banta sa kanyang buhay.
Biro pa ng pangulo, “kung salubungin nila ako ng putok ayos lang para ma-praktis…nandyan naman ang mabait na si Vice President Leni Robredo para humalili”.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang labanan sa pagitan ng mga tauhan ng militar at mga miyembro ng Maute Group na nagmula pa noong nakaraang Sabado.
Dahil sa nasabing bakbakan sa bayan ng Butig, Lanao Del Sur ay marami nang mga residente ang pansamantalang inilipat sa mga temporary shelters.
Bukod sa pagbibigay morale sa mga tauhan ng pamahalaan sa nasabing lugar, sinabi ng pangulo na gusto rin niyang makita ng personal na naibibigay ng maayos ang pangangailangan ng mga inilikas na residente.