Sa motion for reconsideration na inihain ng grupo ng mga desaparecidos na kinakatawan ni Albay Rep. Edcel Lagman, hindi lang ang pagbaliktad sa desisyon ng korte ang kanilang hinihiling kundi pati ang paghukay at pagsasagawa ng forensic examination sa mga labi ni Marcos.
Hiniling rin ng grupo ang paglalabas ng korte ng writ of prohibition na pipigil sa pamilya Marcos na ihimlay ang dating diktador sa LNMB.
Naniniwala rin si Lagman na hindi magbibigay ng closure sa ilang dekadang pinagdusahan ng mga biktima ng martial law ang Marcos burial, tulad ng unang sinabi ng pangulo.
Iginiit rin ng grupo na nagkamali ang mga hukom nang i-base lang nila ang desisyon sa AFP Regulations G 161-375, dahil ang paglalabas ng Department of National Defense nito ay walang bisa at hindi pa umiiral.
Ito ay dahil hindi pa naman ito rehistrado sa Office of National Administrative Registrar ng University of the Philippine Law Center, na dapat nilang gawin ayon sa Administrative Code of 1987.
Samantala, hiniling naman ng Ex-Detainess Laban sa Detensyon at Aresto (Selda), na pinangungunahan ni dating Rep. Satur Ocampo, sa korte na isantabi ang kanilang naunang desisyon at maglabas ng bago na magpapawalang bisa sa direktiba ng mga militar na nagsagawa ng libing.
Ayon din sa kanila, nilabag ni Pangulong Duterte at ng iba pang respondents ang Article II, Section 27 kung saan nakasaad na “the State shall take positive and effective measures against graft and corruption,” nang payagan nila ang isang magnanakaw at diktador na ihimlay sa LNMB.
Umapela rin sila sa korte na huwag lang basta maging “absurdly legalistic” kundi balikan ang kaso nang may kasamang “wisdom and balance.”