Muling iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa na mas higpitan ang seguridad sa buong Metro Manila.
Ito’y matapos matagpuan malapit sa US Embassy sa Maynila ang isang improvised explosive device (IED) na itinimbre ng street sweepers sa mga otoridad.
Ayon kay Dela Rosa, mas paiigtingin nila ang pagkalap ng intelligence at maging ang mismong seguridad sa Kamaynilaan.
Aminado naman si Dela Rosa na nagkaroon ng pagkukulang sa PNP
dahil nakapasok ang naturang bomba sa Metro Manila.
Dahil dito, muli nang ibinalik ng PNP ang mga checkpoints sa ilang bahagi ng Metro Manila, lalo’t itinuturing nila itong attempted act of terrorism.
Ayon naman sa hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Supt. Oscar Albayalde, walang dapat ikatakot ang publiko lalo na ang mga motorista sa panunumbalik ng kanilang checkpoints o Oplan Sita.
Payo naman ni Dela Rosa sa publiko, hindi dapat mag-panic pero dapat ay manatili silang mapag-matyag.