Gen. Dolina na nadadawit sa illegal drugs, humarap na kay PNP Chief Dela Rosa
Nagpaliwanag na umano kay CPNP Ronald Bato dela Rosa ang nasibak nang si Chief Supt. Asher Dolina, isa sa mga heneral na ikinanta ni Kerwin Espinosa sa senate hearing na umanoy isa sa mga protektor ng kanyang operasyon ng iligal na droga sa Eastern Visayas.
Ayon kay Chief PNP Dela Rosa, nagpaliwanag sa kanya si Dolina tungkol sa alegasyon ni Kerwin pero tumanggi naman si Bato na idetalye pa ang kanilang napag-usapan.
Samantala, tali naman ang kamay ng PNP kay Dolina dahil wala na aniya ito sa hurisdiksyon ng pulisya.
Nasibak sa serbisyo si Dolina sa pamamagitan ng desisyon ng Ombudsman dahil naman sa pagkakasangkot nito sa anomalya ng pagbili ng rubber boat para sa PNP.
Kahit binaliktad ng CA o Court of Appeals ang desisyon ng Ombudsman, pero wala pa itong finality kaya’t hindi pa nakababalik sa serbisyo bilang pulis si Dolina.
Giit ni Bato, ipapaubaya na lang ni Chief PNP Dela Rosa sa CIDG na magsampa ng kaso kay Dolina bilang isang sibilyan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.