Mapipilitan ang Kamara na maglabas ng warrant of arrest laban kay Sen. Leila de Lima kung hindi nito susundin ang show cause order na inisyu ng House Justice Committee .
Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, sakaling hindi sumunod si De Lima, mapipilitan siyang pirmahan ang warrant of arrest kung irerekomenda ito ng Justice Committee.
Kailangan aniyang ipaliwanag ni De Lima kung bakit siya nangialam sa isinagawang pagdinig ng Kongreso.
Binigyan diin din ni Alvarez na hindi nilabag ng mga Kongresista ang inter-parliamentary courtesy nang magdesisyon ang House panel na maglabas ng show cause order dahil una nang ininsulto ni De Lima ang Kamara.
Naglabas ng show cause order ang Kongreso laban sa dating Justice secretary dahil pinigilan niya ang kanyang dating driver-lover na si Ronnie Dayan na humarap sa Bilibid drug trade probe ng Mababang Kapulungan.
Ipinunto din ni Alvarez na nang magsimula ang pagdinig ng Kamara ukol sa nasabing isyu ay inimbitahan na nila si De Lima na dumalo para ipagtanggol ang sarili sa mga ibinabatong alegasyon sa kanya pero tinanggihan niya ito.