Maute Group nakapasok sa Metro Manila, PNP maglalagay ng checkpoints
Kinumpirma ni PNP Chief Ronald Bato Dela Rosa na teroristang grupo mula sa Mindanao ang responsable sa nabigong pambobomba malapit sa US Embassy sa Roxas Boulevard sa Maynila kaninang umaga.
Sinabi ni Dela Rosa na ang natagpuang Improvised Explosive Device (IED) ay kapareho ng ginamit sa Davao blast at signature ito ng Maute Group.
Idinagdag pa ni Dela Rosa na maaring nakapasok na sa Metro Manila ang mga teroristang grupo para ma-divert ang operasyon ng mga otoridad sa Mindanao kung hindi naagapan maari anyang sumabog ang bomba at makapinsala sa buhay at ari-arian sa loob ng 100 meter radius.
Dahil dito sinabi ni Dela Rosa na mas mahigpit na seguridad ang kanilang ipapatupad at kabilang dito ang pagkakaroon muli ng mga checkpoints sa Metro Manila simula ngayong araw.
Aminado naman si Dela Rosa na nalusutan sila ng mga teroristang grupo.
Dakong alas-dos ng umaga kanina isang lalaki ang bumaba ng taxi at itinapon ang nasabing pampasabog sa isang basurahan sa Roxas Blvd na Ilang metro lamang ang layo sa US Embassy.
Nakita ang pampasabog ng isang street sweeper na siya nagreport sa pulisya dahilan upang rumesponde ang bomb squad ng Manila Police District at ma-disrupt ang bomba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.