Militar nagdagdag ng pwersa laban sa Maute Group
Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman BGen. Resty Padilla na malapitan na ang nagaganap na barilan sa pagitan ng militar at mga miyembro ng Maute Group sa Butig, Lanao del Sur.
Noong Sabado ay nakuha ng bandidong grupo ang kontrol sa mismong Municipal Hall sa bayan ng Butig kung saan karamihan sa mga residenteng nakatira sa paligid nito ay inilikas na sa mga ligtas na lugar.
Sinabi ni Padilla na umakyat na rin sa labing-siyam ang bilang ng mga napapatay na miyembro ng Maute Group samantalang umakyat naman sa labing-tatlo ang sugatan sa hanay ng mga sundalo.
Tiniyak rin ni Padilla na sapat ang bilang mga tauhan ng pamahalaan na nagtulong-tulong na para sugpuin ang armadong grupo na pinamumunuan ng magkapatid na sina Omar at Abdullah Maute.
Nauna nang sinabi sa mga ulat na nakipag-alyansa na sa ISIS ang grupo kung saan ay pinalitan nila ng Islamic group flag ang watawat sa harapan ng munisipyo ng Butig.
Bukod sa ground troops, katuwang ng mga sundalo ang ilang air assets ng Philippine Air Force at artillery supports mula sa Mechanized Company ng Philippine Army.
Samantala, ipinaliwanag rin ni Padilla na kanila pang inaalam kung may kaugnayan sa gulo sa Butig, Lanao Del Sur ang pagkakadiskubre ng isang Improvised Explosive Device (IED) malapit sa U.S Embassy.
Gayunman kanyang pinaalalahanan ang publiko na maging mapagmatyag sa paligid at ireport sa mga otoridad ang ilang kahina-hinalang mga bagay o mga tao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.