Bagong HIV vaccine, isasalang sa human trials sa South Africa

 

Isasalang na sa human trials ang isang bagong bakuna na layong masugpo at maprotektahan ang publiko sa sakit na Human Immunideficiency Virus o HIV.

Sisimulan ang trials para sa bakuna sa 5,400 mga kalalakihan at kababaihan sa South Africa na itinuturing na sexually active upang malaman kung epektibo itong pangontra sa HIV.

Ibibigay ang naturang bakuna sa mga umeedad na 18 hanggang 35 taoing gulang na nakatira sa 15 lugar sa buong South Africa.

Ito na ang pinakamalaking eksperimento at pinaka-advanced na vaccine clinical trial na ilulunsad sa naturang bansa.

Ayon kay Anthony Fauci, director ng U.S. National Institute of Allergy and Infectious Diseases (NIAID) kung magiging matagumpay, malaki ang magiging tulong nito upang masugpo na ang HIV pandemic.

Kahit maging bahagya lamang umepekto, mababawasan pa rin ng bakuna ang mga kaso ng HIV sa buong mundo.

Sa South Africa, umaabot sa 1,000 katao ang nahahawa ng nakamamatay na sakit araw-araw.

Read more...