Mga kampana sa buong Albay, gabi-gabing aalingawngaw vs EJK’s
Tutunog ang kampana sa lahat ng 45 simbahan sa lalawigan ng Albay tuwing alas-9:00 ng gabi bilang hudyat ng paghiling ng dasal sa mga Katoliko upang matigil na ang mga extrajudicial killings sa bansa.
Ito ang inanunsyo ni Bishop Joel Baylon kasabay ng pagbasa ng kanyang liham kay Pangulong Rodrigo Duterte sa misa kahapon matapos ulitin ng pangulo ang hangarin na ipaligpit ang mga drug addicts kung lalabas pa ang mga ito ng kanilang mga tahanan.
Ayon kay Bishop Baylon, isasagawa ang ‘Prayers at Nine’ upang ipinawagan sa taumbayan na tulungan na ng Panginoon ang mga kinauukulan upang matigil na ang karahasan.
Bagamat suportado nila aniya ang kampanya kontra droga ng pangulo, nakalulungkot na buhay ng tao at mga mahihirap ang naapektuhan dito.
Taliwas rin aniya ang mga nangyayari sa ngayon sa pangako ng Pangulo na pangangalagaan ang kapakanan ng mga mahihirap.
Dagdag pa ni Bishop Baylon, gabi-gabing tutunog ang kampana sa lahat ng simbahan sa Albay tuwing alas-9:00 hangga’t hindi natitigil ang karahasan sa mga lansangan.
Nitong Sabado, lalo pang pinatindi ni Pangulong Duterte ang kanyang banta sa mga gumagamit at nagtutulak ng droga sa pagsasabing hindi na dapat lumabas ng bahay ang mga ito at kung hindi, ay kanya itong papatayin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.