Binigyang pagkilala ng pamahalaan ng Japan ang dating prime minister noong kasagsagan ng administrasyong Marcos na si Cesar Virata.
Pinarangalan ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhide Ishikawa si Virata ng “Grand Cordon of the Order of the Rising Sun,” para sa kaniyang naging ambag sa pagpapatibay ng relasyon ng Japan at ng Pilipinas.
Ang natanggap na parangal ni Virata ay ikatlong pinakamataas na parangal na ibinibigay ng pamahalaan ng Japan, at siya ang ikalawang Pilipinong nakatanggap nito kasunod ni Sen. Franklin Drilon.
Sa pahayag na inilabas ng Japanese Embassy, kinilala nila ang tulong ni Virata sa pagpapatupad ng economic ties sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa pamamagitan ng ratipikasyon ng Philippines-Japan Treaty of Amity, Commerce and Navigation.
Bukod dito, kinilala rin nila ang tulong ni Virata sa pagsusulong ng Philippines-Japan Tax Treaty.
Ayon pa sa konsulada, dahil dito ay lumalim ang samahan ng dalawang bansa.
Matapos din kasing manilbihan sa pamahalaan, inalalayan ni Virata ang maraming kumpanya mula sa Japan na maka-usad sa Philippine Market.
Mahigit sampung taon rin siyang nanilbihan bilang chairperson ng advisory committee of the Philippines sa Japan International Cooperation Agency (JICA).