2 sugatan sa pagsabog sa harap ng simbahan sa Sultan Kudarat
Sugatan ang dalawa katao na kakatapos lang mag-simba, matapos sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa harapan ng simbahan sa bayan ng Esperanza sa Sultan Kudarat.
Ayon kay Supt. Romeo Galgo ng Central Mindanao police, naganap ang pagsabog alas-6:40 ng umaga ng Linggo sa harap ng main entrance ng Our Lady of Hope Church sa Barangay Zaliao.
Kinumpirma ni Galgo na isa itong cellphone detonated IED.
Ayon kay Esperanza Mayor Helen Latog, lumalabas na ang mga tao mula sa simbahan nang maganap ang pagsabog.
Mapalad aniya na isang sasakyan ang nakaparada sa harap ng main entrance ng simbahan para may sunduin, kaya nagsilbi itong pang-harang.
Gayunman, nasaktan naman ang dalawa sa mga pasahero ng nasabing sasakyan, na hanggang ngayon ay hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan.
Sa ngayon ay wala pang umaako na grupo sa pag-sabog, pero hinihinala ng mga otoridad na maaring diversionary tactic ito dahil sa paglulunsad ng militar ng air and ground assault laban sa Maute group sa Lanao del Sur.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.