Hinihiling ni Senador Leila De Lima sa Korte Suprema na madaliin nito ang paglalabas ng desisyon sa kanyang inihaing writ of habeas data laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay upang matigil na aniya ang panggigipit at pangha-harass umano sa kanya ng Pangulo at patuloy na psychological violence umano nito sa kanya.
Sa statement, iginiit ni Senador De Lima, hindi ‘immune’ ang pangulo sa kasong habeas data dahil ang kaso ay may kaugnayan sa ‘slut-shaming at sexual harassment.’
Ang mga mali aniyang ginagawa ng pangulo laban sa kanya ay labas na sa kanyang pagiging Presidente ng Pilipinas kaya’t hindi ito nasasaklaw ng presidential immunity.
Hinihiling rin ni De Lima sa kanyang manifestation na burahin, at maituwid ang mga pribadong impormasyon na ipinakalat laban sa kanyang pagkatao.
Dapat rin aniyang kilalanin ang umano’y ‘foreign country’ na tumulong kay Pangulong Duterte na ungkatin ang mga pribadong detalye ng kanyang buhay na ginamit laban sa kanya ng Pangulo.