‘Sitting President’ hindi maaring mapatalsik ng Ombudsman-Malakanyang
Hindi maaring alisin ng Office of the Ombudsman sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang paggiit ng Palasyo ng Malakanyang sa pahayag ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sa naunang reklamong isinampa ni Senador Antonio Trillanes IV noong Mayo laban kay Duterte.
May kaugnayan ang naturang reklamo sa diumano’y pagtanggap ni Duterte noong ito ay alkalde pa lamang ng Davao City ng nasa 11,000 contractual workers noong 2014 na ginastusan umano ng 408 na milyong piso ng lokal na pamahalaan.
Giit ni Andanar, nananatili ang ‘immunity from suit’ ng Pangulo.
Bagama’t maari aniyang mag-imbestiga ang Ombdusman, hindi naman nito maaring patalsikin sa puwesto ang isang ‘sitting President’.
Bukod sa naturang reklamo, binanggit rin ni Ombudsman Morales na hindi rin nila isinasaisantabi ang posibilidad na maimbestigahan rin ang Pangulo sa mga kaso ng extrajudicial killings sa bansa.
Maari aniyang siyasatin ng Ombudsman kung mayroong ‘misconduct’ sa panig ng isang opisyal ng gobyerno.
Kung mapapatunayan aniya na may sapat na batayan ang isang alegasyon, maari itong magamit bilang ebidensya sa isang ‘impeachment’ sa ilalim ng Saligang Batas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.