Bello, kampanteng matutuloy ang pirmahan ng bilateral ceasefire deal

Silvestre-Bello-IIINanatiling kampante si Labor Secretary Silvestre Bello III na maaaring magpirmahan na ng bilateral ceasefire agreement sa pagitan ng pamahalaan at Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa December 10.

Sa pahayag ni Bello, kinumpirma nito ang posibilidad sa susunod na hakbang sa kasunduan sa kabila ng pagtanggi ng CPP-NPA-NDF noong Biyernes.

Itinanggi ng CPP ang inilabas na pahayag ni Bello dahil wala anilang ginagawang aksyon ang gobyerno para palayain ang mga bihag na pulitiko.

Ngunit paliwanag ng Labor secretary, ginagawa ng gobyerno ang lahat at aniya, alam ng grupo na hindi kailangang mapalaya ang mga naturang bihag para sa pag-apruba sa usapin.

Dagdag pa nito, may mga bagay na kailangan munang ikonsidera para matuloy ang joint ceasefire.

Gayunman, nagparating pa rin ng pasasalamat si Pangulong Rodrigo Duterte sa patuloy na pagtulong sa usaping pangkapayaan ng Norway.

Pormal na nagpasalamat ang pangulo kay Norwegian Foreign Minister Borge Brende nang bisitahin siya nito sa Matina Enclave Residence sa Davao del Sur.

Ayon kay Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, nangako ang Norway sa pagsuporta sa nasabing negosasyon sa mga makakaliwa.

Nagpasalamat din aniya si Brende sa pangulo sa pagtulong na mapalaya ang Norwegian national na si Kjartan Sekkingstad sa kamay ng Abu Sayyaf noong Setyembre.

Umaasa naman ang mga opisyal ng gobyerno sa makamit ang kapayapaan kasama ang mga rebeldeng komunista sa panahon ng administrasyong Duterte.

Read more...