Base sa 5 a.m. weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa 125 kilometers Northwest ng Coron, Palawan.
Patuloy nitong tinatahak ang direksyong Northwest sa bilis na 15 kilometers per hour, habang may taglay itong lakas ng hangin na aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugso na 100 kilometers per hour.
Bagaman napanatili nito ang lakas, inialis naman na ng PAGASA lahat ng mga Tropical Cyclone Warning Signals na una nilang itinaas sa ilang mga lalawigan.
Samantala, makakaranas naman ang Bicol, MIMAROPA, Quezon at Aurora ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtaman at minsang malakas na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ngayong araw.
Paalala ng PAGASA, maari itong magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan naman ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan naman ang mararanasan sa Mindanao at nalalabing bahagi ng Visayas.
Bukas ng umaga o tanghali inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Marce.