Ayon sa kaniyang abogado na si Vice Mayor Jonah John Ungab ng Ronda, Cebu, masyadong delikado para kay Kerwin na pumunta sa libing ng kaniyang ama sa December 6.
Sa ngayon ay nasa ilalim ng kustodiya ng Philippine National Police (PNP) si Kerwin sa Camp Crame sa Quezon City mula nang siya’y makabalik sa bansa mula sa Abu Dhabi noong nakaraang linggo.
Matatandaang si Mayor Espinosa ay napatay ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 8, sa umano’y nangyaring shootout nang magsagawa sila nang operasyon laban sa alkalde.
Dagdag ni Ungab, posibleng mauwi rin si Kerwin sa kinahinatnan ng kaniyang ama kung uuwi pa siya dahil naglabas na siya ng mga detalye kaugnay ng kaniyang operasyon kung saan inilaglag niya rin si Sen. Leila de Lima at ilang opisyal ng pulisya.
Aniya, hindi sila nakatitiyak ngayon kung sino ang maari nilang pagkatiwalaan at nais lang nilang siguruhin ang kaligtasan ni Kerwin.
May mga nakarating rin aniyang mungkahi sa kanila na ilagak na lang si Kerwin sa National Bureau of Investigation (NBI) pero ani Ungab, “okay” na para sa kanila ang Camp Crame.
Samantala, una naman nang nilinaw ni Kerwin na hindi kasama si Ungab sa kaniyang kalakalan ng iligal na droga at naninilbihan lamang aniya ito sa kaniya bilang legal counsel.