Isusumite na ngayong araw ni Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., Chairman ng Senate Committee on Local Government ang inamyendahang Bangsamoro Basic Law.
Ayon kay Marcos, bukas hanggang sa weekend, magdadagdag na lamang siya ng kopya ng committee report para maipabahagi sa mga kapwa senador.
Sa araw ng Lunes, August 10, ay ihahain ni Marcos sa plenaryo sa senado ang panukalang batas habang sa Martes, August 11 ang sponsorship nito para masimulan na ang debate o ‘period of interpellation’.
Ayon kay Marcos, 80 percent ng draft BBL o halos 115 probisyon ng original version nito ang inamyendahan ng kanyang komite.
Pero nilinaw ni Marcos na hindi lahat sa nabanggit na mga probisyon ay nilapatan niya ng major amendments dahil ang iba ay pinalitan lang ng ilang salita o kaya ay binago ang punctuation marks.
Maliban sa mga amyenda, sinabi ni Marcos na mayroon din syang inalis na mga probisyon, dahil ang iba ay kapareho sa 28 probisyon na inalis na Kamara.
Una rito, nangako si Marcos na isusumite niya sa Senado ang BBL noong August 3, subalit nabigo ito dahil sa mga pahabol na position at opinion papers ng mga kapwa senador./ Chona Yu