Matapos ang dalawang magkasunod na aksidente sa gawaan ng paputok sa Bulacan pinatitigil na ng Department of Labor and Employment ang trabaho sa lahat ng kumpanya na sangkot sa paggawa at pagbebenta ng mga pyrotechnics at firecrackers sa buong bansa.
Ito ay dahil sa insidenteng naganap noong Oct. 12 sa Bocaue, Bulacan kung saan dalawa ang nasawi sa pagsabog ng pagawaan ng paputok at noong Miyerkules sa Sta. Maria Bulacan na ikinasawi naman ng nanay at dalawa niyang anak.
“Pursuant to Rule 1012.02 of the Occupational Safety and Health Standards in relation to Article 168 of the Labor Code, as amended and renumbered, and Rule VIII of the Department Order No. 131-B, Series of 2016, this Work Stoppage Order is hereby issued for all establishments engaged in the manufacture and sale of pyrotechnics and firecrackers,” ayon s autos na nilagdaan ni Labor Secretary Silvestre Bello III.
Ayon sa DOLE, dahil holiday season, tataas pa ang produksyon ng paputok at maituturing itong banta pa sa kaligtasan ng mga manggagawa sa industriya ng paputok.
Inatasan din ni Bello ang lahat ng regional directors ng ahensya na busisiin ang lahat ng establisyimento ng paputok sa kani-kanilang nasasakupan para alamin kung nakasusunod sila sa work safety standards.
Makikipag-ugnayan ang mga regional director ng DOLE sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at LGUs sa gagawing inspeksyon.
Inatasan ang mga opisyal na magsumite ng lingguhang report ng kanilang assessment activities at magrekomenda kung itutuloy ang pagpapasara sa isang kumpanya o pwede na silang mag-resume ng operasyon.
Kung sa isasagawang inspeksyon ay makikitang sumusunod naman sa labor standards ang establisyimento ay aalisin ang work stoppage order at papayagan na silang magbukas.
Ang mga maaapketuhang manggagawa sa mga isasarang kumpanya ay bibigyan ng tulong ng DOLE sa pamamagitan ng Bureau of Local Employment at Bureau of Workers with Special Concerns.