PANOORIN: Pagsalakay ng ‘death squad’ nakunan ng CCTV, isa patay
Muli na namang umatake ang armadong grupo na may walong miyembro na pumatay sa tatlong hinihinalang user-pusher sa Caloocan kamakailan.
Ngayong umaga, pinasok naman nila ang bahay ni Rolando Dionisio, 38, sa Milagrosa st., Brgy. 152 Caloocan at pinagbabaril ito hanggang sa mapatay.
Ang pagdating ng mga suspek ay nakunan pa ng cctv ng barangay.
Sa unang kuha ng cctv, makikita na may tatlong nakamotor ang huminto malapit sa bahay ni Dionisio at bumaba ang tatlong suspek na nakasuot ng hood at may takip ang mga mukha.
Maya-maya ay pumasok na ang dalawa sa bahay ng biktima at pinalabas pa ang ilang kasama sa loob ng bahay ni Dionisio bago ito pinagbabaril.
Matapos maisagawa ang krimen agad na umalis ang tatlong suspek.
PANOORIN: Pagsalakay ng ‘death squad’ sa Caloocan pic.twitter.com/IPVq7Q7tTs
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) November 24, 2016
Sa ikalawang kuha ng cctv ng barangay, makikita naman ang pagtakas ng mga suspek na lulan ng motor, pero dito makikita na naging lima na ang motorsiklong papatakas at nasa walo na ang mga suspek.
Ayon sa kaanak ng biktima, posibleng ang ibang suspek ay nag-abang sa pwedeng takasan ng biktima, dahil minsan na umanong tinangkang patayin si Dionisio ng armadong grupo pero nakatakas ito.
Ayon naman kay Brgy. 152 Kap. Catalino Petilla, nasa watclist ng Caloocan Police ang napatay na biktima at hindi sumuko sa isinagawang Oplan Tokhang.
Namo-monitor din umano nila sa kanilang cctv na labas-pasok ang tao sa bahay ng biktima, dahil ginagawang drug den umano ang bahay ni Dionisio.
Sa crime scene nakakuha ang SOCO ng 3 basyo ng di pa mabatid na kalibre ng baril.
Nung nakaraang umaga nakunan din ng cctv ang armadong grupo na may pinasok na bahay at pinatay sa Brgy. 125 Caloocan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.