‘Black Friday Protest’ tuloy mamaya; Anti-Marcos at Pro-Marcos groups maghaharap

 

Magsasanib-pwersa ang mga biktima ng martial law, kanilang mga kaanak, kaibigan, at mga millenials na anti-Marcos sa kanilang isasagawang malawakang protesta mamaya sa Luneta Park.

Layon ng protestang pinangalanang “National Day of Unity and Rage” at kilala rin sa “Black Friday protest” na ipahayag ang mariing pag-kondena ng mga demonstrador sa paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).

Inorganisa ng Campaign Against the Return of the Marcoses in Malacañang (Carmma) ang nasabing protesta, kasama na rin ang ilang mga organisasyon ng mga kabataan at mga estudyante.

Magsisimula ang programa ng mga ito ng alas-4:00 ng hapon, at lahat ng mga dadalo dito ay inaasahang magsusuot ng kulay itim na damit.

Samantala, pinuri naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-anunsyo nito na hindi na kakailanganin ng mga grupo na mag-apply ng rally permit para isagawa ang protesta.

Bukod sa Luneta, inaasahang magkakaroon rin ng kasabay na pag-protesta sa iba pang mga bahagi ng bansa, tulad sa Los Baños, Calamba, Isabela, Tarlac, Tuguegarao, Lucena City, Batangas, Iloilo, Cebu, Davao at General Santos.

Gayunman, kung dadagsa ang mga anti-Marcos sa Luneta mamaya, sasalubungin at haharapin rin umano sila ng mga grupong pro-Marcos, at maging pro-Duterte sa parehong lugar.

Nag-imbita rin ang Facebook page na “Duterte Youth” sa mga taga-suporta nina Marcos at Duterte na magtipun-tipon sa Kilometer Zero marker sa harap ng bantayog ni Rizal mamayang alas-3:00 ng hapon.

Ayon sa chairman ng Duterte Youth na si Ronald Cardema, inaasahan nilang nasa 500 hanggang 1,000 na kasamahan nila ang pupunta mamaya para magpahayag ng suporta kay Duterte.

Read more...