“Soon, I will face my detractors.”
Ito ang mensahe ni Sen. Leila de Lima sa kaniyang mga kalaban na aniya’y ginagamit ang panghihiya sa kaniya para malihis ang atensyon ng mga tao sa mas mahahalagang isyu sa bansa.
Ayon sa senadora, hindi niya pinanood nang buo ang pagdinig kahapon sa Kamara kung saan mistula siyang binitay sa harap ng publiko.
Wala ring balak si De Lima na kunsintehin ang aniya’y “web of lies” na inilabas sa pagdinig sa Kamara kahapon, na naglalayon lang aniya na idiin siya sa umano’y kalakalan ng iligal na droga sa New Bilibid Prisons.
Kaya naman giit ng senadora, darating rin ang tamang panahon at lugar para harapin niya ang mga naninira sa kaniya.
Dagdag niya pa, walang sinumang babae ang dapat tratuhin tulad ng ginawa sa kaniya ng dating bodyguard at karelasyon na si Ronnie Dayan sa harap ng Kamara at sa mata ng publiko kahapon.
Hindi aniya dapat maranasan ng mga babae ang ganoong klase ng pagtataksil at pamamahiya sa publiko ng sinumang nakarelasyon nito.
Nakakahiya aniya na nabiktima rin ng kapangyarihan at panlilinlang ang isang tao na kaniyang pinagkatiwalaan, para lang gumawa ng mga kasinungalingan at isalba ang kanilang mga sarili.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.