Ibinunyag ng basketball star na si Doug Kramer sa kaniyang social media account na nakaranas siya ng mild stroke noong offseason.
Nangyari aniya ito noong October 10 pagkatapos niyang mag-ehersisyo, nang bigla siyang mahilo at matumba.
Hindi naman aniya siya hinimatay, at sa katunayan, naaalala niya pa ang lahat ng nangyari.
Marami ang nagulat sa nangyari kay Kramer lalo’t kilala ito sa pagiging health buff.
Na-confine si Kramer sa ospital sa loob ng anim na araw, at nadiskubre sa mga isinagawang tests sa kaniya na mayroon siyang minuscule congenital hole sa kaniyang puso, na nagdulot ng clot.
Naging emosyonal aniya siya sa nangyari, dahil nasaksihan niya kung paano siya pinagbigyan at pinrotektahan ng Diyos.
Dahil sa nangyari sa kaniya, umapela siya sa PBA at sa mga kapwa niya atleta na isama ang 2d echo sa puso sa kanilang mandatory medical check-ups, upang malaman kung may problema sa kanilang kalusugan.
Sa ganitong paraan aniya ay maiiwasan ang anumang sakit na maaring ikapahamak ng kanilang buhay.
Dahil sa bilin ng doktor na ilang buwang pagpapahinga pagkatapos ng kaniyang operasyon, inaasahang hindi siya muna makakasama sa buong 2017 PBA Philippine Cup.
Si Kramer ay na-trade mula sa GlobalPort papunta sa Phoenix noong offseason.