3 umano’y drug personality, napatay sa buy-bust ops sa Maynila

 

Inquirer file photo

Napatay sa isang drug buy bust operation ang tatlong drug personality makaraan umanong makaengkwentro ng mga pinagsanib na pwersa ng Manila Police District sa Raon, Quiapo Maynila habang tatlo ang kalaboso kabilang ang isang dating pulis.

Kinilala ang mga nasawi na sina John Ryan Verano, Rommel Aquino at Jester Luces na dead on arrival sa Sampaloc General Hospital.

Ayon kay Police Chief Inspector Jay Dimaandal, nagsanib- pwersa ang District Special Operations Unit at District Anti-illegal Drugs ng MPD upang ikisa ang operasyon sa Amy’s Lodge.

Dito nagkasundo ang poseur-buyer at mga suspect na bumili ng shabu sa halagang 200 pesos.

Nang maiabot na umano ng poseur-buyer ang pera kay drug courier at dating PO2 Archie Cruz, umakyat daw ito sa 2nd floor at itinimbre sa tatlong suspek na napatay na may pulis sa ibaba.

Nang malaman umano ng tatlo, dito na sila kumasa at nakipagbarilan na sa mga pulis na nag resulta sa pagkamatay nito dahil sa tama ng bala ng baril.

Arestado naman ang drug courier na si Cruz at dalawa na sina Laima Borja at Alex Abacial na naaktuhan na nag-drug session.

Nakakumpiska naman sa nasabing operasyon ang ilang sachet na naglalaman umano ng shabu at mga drug paraphernalia at baril na umanoy ginamit ng tatlong suspek.

Kalaboso naman ang tatlong naaresto at sasampahan ng kasong paglabag sa ra 9165 dahil sa pagtutulak ng bawal na gamot.

Read more...