Obstruction of Justice at Concubinage, ilan sa mga kasong kahaharapin ni De Lima

de-limaPatung-patong na kaso ang posibleng kaharapin ni Senadora Leila de Lima, batay sa mga salaysay ng dati nitong driver/lover na si Ronnie Dayan.

Sa pagdalo sa imbestigasyon ng House Justice Committee, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na maaaring magsampa sila ng kasong obstruction of justice laban kay De Lima.

Ito’y dahil sa umano’y pagpigil nito na dumalo si Dayan sa mga imbestigasyon ng Kamara ukol sa NBP drug trade.

Matatandaan na sa testimonya ni Hanna Mae, anak ni Dayan, tinext daw niya si Tita Lei o si De Lima hinggil sa subpoena ng Kamara, subalit sinabi raw ng Senadora na magtago na lamang.

Hirit naman ni Aguirre sa Kamara, ang pinaka-mainam na gawin ang i-cite in contempt si de Lima at pinagpapaliwanag ukol sa pagharang kay Dayan na magpakita sa pagsisiyasat sa illegal drug trade.

Maliban dito, sinabi ni Aguirre na malaki rin ang posibilidad na maharap sa kasong concubinage, dahil sa pakikipagrelasyon kay Dayan, na mayroong asawa.

Kanina, inamin ni Dayan na nagalit sa kanya ang misis niya dahil sa pakikipag-relasyon niya kay de Lima, pero kinalauna’y tinanggap na raw ito ng asawa at mga anak.

Sinabi ni Dayan na ‘love’ ang tawagan nila ni de Lima.

Wala rin daw silang anniversary dahil masyado na raw silang matanda.

Sa kasagsagan pa rin ng pagdinig ay inamin ni Dayan na bagama’t magkasama na sila sa iisang bahay ni De Lima ay wala raw siyang impluwensya sa kanyang kasintahan.

Ayon kay Dayan, mistulang tau-tauhan lamang siya ni De Lima.

Pero inamin nito na inirekumenda niya ang pagtalaga kay Rafael Ragos bilang OIC ng Bureau of Corrections, habang kay Franklin Bucayu bilang pinuno ng Bureau of Corrections.

Read more...