Mahigit 2,000 pasahero stranded dahil sa bagyong Marce

Umakyat na sa dalawang libo ang mga pasahero na stranded sa mga pantalan sa bansa dahil sa bagyong Marce.

Base sa pinakahuling tala ng Philippine Coast Guard, nasa 2,044 na ang mga pasahero ang nananatili sa mga pantalan, kung saan sa Northern Mindanao naitala ang pinakamaraming pasaherong stranded na nasa 1,113.

Nasa 34 vessels naman at 23 na rolling cargo na mula sa pantalan ng Central Visayas at Northern Mindanao ang hindi na pinayagang pumalaot.

Sa Cebu, nasa 791 na mga pasahero na papasok at palabas ng lalawigan ang stranded.

Ayon kay Apprentice Danny Mendoza ng Philippine Coast Guard (PCG) Cebu Station, walang sasakyang pandagat na pinapayagang makapaglayag dahil nasa ilalim ng public storm warning signal ang Cebu.

Bunsod nito, kanselado ang lahat ng biyahe sa mga pantalan papasok at palabas ng lalawigan, kabilang na sa mga isla ng Bantayan at Camotes.

Tiniyak naman ng Philippine Coast Guard na mananatiling nakaalerto ang kanilang hanay upang matiyak ang seguridad ng mga pasahero sa mga pantalan.

Nauna ng kinansela ng Coast Guard ang biyahe ng anumang uri ng sasakyang pandagat sa mga lugar kung saan nakataas ang babala ng bagyong Marce.

 

Read more...