P4B halaga ng ‘unpaid fees’ sa SBMA noong 2015, paiimbestigahan

 

Bumuo na ng komite ang pinuno ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na mag-iimbestiga sa mga umano’y iregularidad na naungkat ng Commission on Audit noong 2015.

Ayon kay SBMA chair Martin Diño, kakasuhan niya ang mga opisyal at empleyado ng SBMA na responsable sa mga nasabing iregularidad.

Tinawag kasi ng COA ang pansin ng SBMA board of directors sa kanilang report noong June 2015 kung saan mayroong mahigit P4 bilyon halaga na idineklarang “accounts receivable” ng nagdaang administrasyon ng SBMA sa kanilang financial statement.

Ang mga accounts receivables ay perang kailangang kolektahin ng SBMA mula sa mga kumpanyang kanilang katransaksyon.

Ayon kay COA Central Luzon regional director Corazon Gomez, P3.495 bilyon o 85 percent ng reported accounts receivable as of December 31, 2015 ay pawang mga kahia-hinala dahil hindi naipaliwanag ang “existence and correctness” nito.

Aniya pa, nasa P489 milyon din ang pawang “non-moving” items mula pa noong 2013.

Sa 57 aniya na notices na ipinadala sa mga residente, 37 dito ang bumalik nang may mga remarks na ‘no one to receive, abandoned, unlocated, different unit owner, closed, o under SBMA control,’ habang ang 20 naman ay walang reply.

Nagpadala rin ang COA ng 30 liham sa mga locators ngunit 11 ang bumalik sa kanila dahil kung hindi sarado, sequestered o under control ng SBMA, wala umanong otorisadong taong maaring tumanggap ng mga dokumento, habang 19 naman ang hindi tumugon.

May naulat rin ang COA na lapses sa mga grant at liquidation of cash advances noong 2015, kabilang ang P14 milyong cash advances ng mga SBMA officers na hindi naman itinalagang disbursement officers.

Ayon kay Diño, pinagpapaliwanag na nila ang mga taong nabanggit sa report ng COA, at sinabihan rin niya ang mga ito na ipaalam sa kanila kung ano ang magiging hakbang ng mga ito kaugnay sa pagsunod sa rekomendasyon ng COA.

Read more...