CIDG sa mga Espinosa: Bakit pa namin sila kakasuhan kung gusto lang namin silang patayin?

 

Iginiit ng mga opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 na wala silang planong patayin ang mga Espinosa.

Sa pagharap nila muli sa Senado kahapon, dinepensahan ng mga opisyal ng CIDG-8 ang kanilang mga sarili sa akusasyon na sila ay mga protektor ng kalakalan ng iligal na droga.

Ayon kay Supt. Marvin Marcos na pinuno ng CIDG-8, kung noon pa lamang ay plano na nilang patayin ang mag-amang sina Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. at confessed drug lord na si Kerwin Espinosa Jr., ay ginawa na nila ito noon pa.

Giit ni Marcos, hindi na sila mag-aabala pang kasuhan at arestuhin ang mga Espinosa kung ang gusto lang naman nilang gawin ay patayin ang mga ito.

Dagdag pa ni Marcos, kung ang nais lang nilang patahimikin ang mag-ama, hindi na sana nila inungkat pa ang tungkol sa kalakalan sa iligal na droga at inilabas sa publiko.

Paliwanag niya, tatlong kaso ang isinampa nila laban kay Kerwin kaya nagkaroon ng arrest warrant laban sa kaniya, at kaya siya naaresto sa Abu Dhabi.

Pakiramdam lang aniya nila na tila hindi naman patas ang akusasyon sa kanila ni Kerwin, at iginiit na ang confessed drug lord dapat ang managot sa batas dahil sa kaniyang mga krimen.

Ginagawa lang aniya nila ang kanilang trabaho, ngunit naaapektuhan na rin ang kanilang mga pamilya, pati na ng iba pang miyembro ng CIDG dahil sa mga akusasyong ito.

Read more...