Iginiit ng pangulo na sinumpaan niyang tungkulin ang sumunod sa batas, at na lagi niyang isinasaalang-alang ang kapakanan at ikabubuti ng nakararami sa kaniyang mga desisyon.
Kaugnay nito ay hinamon niya ang mga nagpo-protesta laban sa Marcos burial, at sinabing magbibitiw siya sa pwesto kung masasagot nila ng ‘hindi’ ang kaniyang mga tanong.
Ang mga tanong ni Pangulong Duterte ay: “Was the late Ferdinand Marcos a president? Was he a soldier?”
Gayunman, tiniyak naman ng pangulo sa iba’t ibang grupo na tutol sa Marcos burial na malaya silang mag-protesta kahit na magkaiba sila ng mga pananaw dahil bahagi ito ng demokrasya.
Sinabi rin ni Duterte na makasisiguro ang mga grupong ito na habang sila ay nagpo-protesta, nasa loob lang ng kanilang mga kampo ang mga militar, ngunit kailangan pa rin ng ilang mga pulis upang mandohan ang trapiko sa mga kalsadang kanilang gagamitin.