Pagpatay kay Mayor Espinosa idinepensa ng mga pulis
Walang pagsisi ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 sa pagkakapatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa sa loob ng Baybay sub-provincial jail.
Sa pagdnig ng Senado, sinabi ni Chief Inspector Leo Laraga na isa sa mga nanguna sa operasyon ng CIDG, nanlaban kasi si Espinosa kung kaya napatay ito.
Ayon kay Laraga, hindi simpleng tao si Espinosa tulad ng inilulutang ng kanyang mga kaanak.
Katwiran pa ni Laraga, idinepensa lamang niya ang sarili sa pangambang siya ang mabaril ni Espinosa at mawalan ng ama ang kanyang mga anak.
Samantala, hindi naman napigilan ni Supt. Melvin Marcos ang kanyang emosyon at siya’y naluha sa gitna ng pagdinig dahil masyado raw silang dehado sa imbestigasyon ng Senado.
Nilinaw ng sinibak na pinuno ng CIDG Region 8 na matagal na silang hindi nag-uusap ng kanyang misis na si Maritess na tumakbo bilang vice mayor sa Pastrana, Leyte sa nakalipas na eleksyon.
Magugunitang sinabi ni Espinosa na humingi sa kanya ng P3 Million bilang donasyon sa kandidatura ni Maritess si Marcos pero naibaba niya ito sa P1.5 Million.
Sinabi ni Marcos na kahit kailan ay hindi siya nasangkot sa payola lalo na sa isyu ng droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.