Mula sa 0.8 grams lamang noong taong 2004, lumago nang lumago ang negosyo ni Kerwin Espinosa sa illegal drugs.
Sa pagbasa ni Espinosa sa kaniyang affidavit sa pagdinig sa Senado, mas lalong lumawak ang negosyo ni Espinosa na pagbebenta ng ilegal na droga noong siya ay nakulong.
Ani Espinosa, taong 2004 siya nagsimula sa kalakalan ng illegal drugs kung saan, 0.8 grams lamang ang inaangkat niya noon hanggang sa umabot sa 4.9 grams na ang halaga ay umaabot sa P7,000.
Ang 4.8 grams ayon kay Kerwin ay hinahati-hati niya hanggang sa labingdalawang sachets na naibebenta naman niya ng P700 hanggang P900 bawat sachet.
Ani Espinosa, taong 2005 nang mahuli siya ng mga tauhan ng Cebu Intelligence Investigation Drugs (CIID), at bagaman walang nakuhang shabu sa kaniya dahil naitapon niya sa kanal ay tinaniman umano siya ng dalawang bulto ng shabu ng mga pulis.
Nang mahatulan siya at makulong, doon na lalo pang lumawak ang negosyo ni Kerwin sa shabu, dahil nakilala niya ang mga negosyante ng shabu gaya na lamang ni Jeffrey Diaz alyas Jaguar.
Si Jaguar ay napatay na sa police operation.
Nang malipat si Kerwin sa Cebu City Jail, sinabi niyang umabot na sa 50 grams ang inaangkat niyang droga at ang supplier niya noon ay si Jaguar at isang Lovely Adam Impal.
Si Impal ayon kay Kerwin ay buhay pa at sa kaniyang pagkakaalam ay nakatira ito sa Makati City.
Kwento ni Kerwin, nang malipat siya sa New Bilibid Prisons, nilapitan siya ng maraming Chinese drug lords para hikayatin siyang sumapi sa kaniyang negosyo ng shabu.
Si Peter Co aniya ang naging supplier niya ng shabu sa Bilibid kung saan umabot sa apat hanggang sampung kilo ang inaangkat niya kay Co.
Ani Kerwin, mga tao nila ni Co ang nag-uusap sa labas at nagkikita para mag-abutan ng droga na madalas ay ginagawa sa Binondo, Manila.
Mula Maynila, ibinabiyahe by land ang droga patungong Matnog Sorsgon at Allen Samar, at saka itatawid papuntang Ormoc City.
Sa bank account ni Co sa Banco De Oro idinepdeposito ang kita pero hindi ito kay Co nakapangalan kundi sa isang negosyo ng Farm and Poultry Supply.
Ani Kerwin, nang makalaya siya sa Bilibid, taong 2009, huminto muna sya sa negosyo ng droga para makapaglaan ng sapat na panahon sa pamilya, pero binalikan din niya ang drug trade taong 2011.