Mabagal na pag-usad ng Maguindanao massacre case, tinuligsa ng obispo

 

Inquirer file photo

Nanawagan na ang isang obispo ng Simbahang Katoliko sa korte sa Quezon City na may hawak sa kaso ng Maguindanao massacre case na bumuo na ng desisyon.

Ayon kay Ozamiz Bishop Martin Jumoad, pitong taon na ang lumipas pero hindi pa rin naibibigay ang hustisya sa mga biktima dahil sa mabagal na proseso ng hustisya sa bansa.

Hiniling ni Jumoad na makabuo na ng desisyon ang hukom tungkol dito, isang araw bago ang ika-pitong anibersaryo ng massacre kung saan 58 katao na karamihan ay mga mamamahayag ang nasawi sa Ampatuan, Maguindanao.

Hanggang ngayon kasi ay wala pa ring inilalabas na desisyon ang korte sa kaso ng pangunahing akusado na si Andal Ampatuan Jr. pati na ang kaniyang mga kaanak.

Sa 197 na orihinal na naakusahan kung saan 15 sa kanila ay pawang mga Ampatuan, 114 na ang naaresto. Kabuuang 112 na mga akusado naman ang binasahan ng sakdal, habang apat naman sa kanila, kabilang na si Andal Ampatuan Sr. ang nasawi sa kulungan.

Noong 2013, sinabi ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 na umaasa siyang makapagbaba na ng desisyon sa ilan sa mga kasong ito pagdating ng 2016 bago bumaba sa pwesto si Pangulong Benigno Aquino III.

Natapos na ang termino ni Aquino noong June 30, pero wala namang nailabas na desisyon ang korte.

Read more...