Pinanindigan ng Philippine National Police (PNP) na naaresto ng kanilang mga operatiba sa La Union ang matagal nang pinaghahanap na si Ronnie Dayan.
Ayon sa pahayag ni PNP Spokesman S/Supt. Dionardo Carlos, naaresto ng mga pulis si Dayan 11:30 ng umaga kanina sa Sitio Turod, Brgy San Felipe, San Juan La Union.
Inaresto si Dayan sa bisa ng order of arrest for contempt na inilabas ng House of Representatives noong Oktubre 10.
Naaresto si Dayan ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), La Union Provincial Police Office, Pangasinan Provincial Police Office at Bacnotan Municipal Police Station.
Nauna nang inilutang ng ilang grupona hindi naaresto kundi kusang sumuko ang dating driver, bodyguard at lover ni Sen. Leila De Lima na si Dayan.
Sa ngayon inaatabayanan sa Kampo Crame ang pagdating ng convoy ni Dayan at antabayanan din ang magiging pahayag ng PNP at ni Dayan sa ihinahandang press conference sa National Headquarters.