Posibleng bubuksan muli ng House Committee on Justice ang imbestigasyon nito sa kalakalan ng droga sa New Bilibid Prisons ngayong naaresto na si dating driver/lover ni Senador Leila de Lima na si Ronnie Dayan.
Ang pag-aresto kay Dayan ay nakabase sa warrant of arrest na inisyu ng Kamara dahil sa hindi pagsipot nito sa serye ng imbestigasyon sa NBP drug trade.
Sinabi ni Justice Committee Chairman Reynaldo Umali, na ikinalulugod niya ang pagkakahuli kay Dayan, na nangyari dahil sa magandang trabaho ng mga otoridad.
Kakausapin umano niya si House Majority Leader Rodolfo Farinas ukol sa posibilidad ng reopening ng pagsisiyasat.
Ayon kay Umali, dahil sila ang nag isyu ng warrant of arrest ay dapat na ipresenta sa Kamara si Dayan.
Ang Kapulungan din aniya ang bahalang magdesisyon kung saan nararapat na ikulong si Dayan ngayong hawak na ito ng mga otoridad.
Naniniwala si Umali na si Dayan ang missing link sa mga kontrobersiya na bumabalot sa drug trade sa Bilibid.