Kapatid ng nagpakamatay na ERC official, nanawagan sa mga empleyado ng pamahalaan na magkaisa kontra katiwalian sa gobyerno

Charie Villa FB post
Photo grab from Charie Villa’s FB account

May panawagan ang veteran journalist na si Charie Villa, ang kapatid ng nagpakamatay na opisyal ng Energy Regulatory Commission na si Director Francisco “Jun” Villa Jr., sa mga empleyado ng gobyerno na nakararanas din ng pressure mula sa tiwaling amo.

Sa Facebook post ni Charie, hinihikayat niya ang mga government employees na nagpapadala ng mensahe sa kanya at humihingi ng tulong dahil sa pressure sa trabaho na manatiling matatag sa kabila ng pinagdadaanan.

Nais niya aniyang matugunan ang kanilang mga hinaing kung kaya’t sa ngayon ay naghahanap na siya ng mga tao na handang tumulong partikular na sa pagbibigay ng legal assistance at counseling, proteksyon sa harassment, mga banta at pagkawala ng trabaho.

Sinabi pa ni Charie na handa ang kanilang pamilya na bumuo ng movement o grupo para malabanan ang anumang katiwalian.

Naniniwala naman ang Pamila Villa na marami pang tapat, masipag at dedicated na government employees.

Kung kaya’t paghihimok ni Charie, dapat magkaisa ang lahat para malabanan ang korapsyon sa gobyerno.

Matatandaang noong November 9 ay nagpakamatay si ERC Dir. Jun Villa dahil sa matinding pressure sa trabaho.

Pero bago ito mangyari, mayroong iniwan na liham ang opisyal na naglalaman ng kaniyang mga saloobin, partikular tungkol sa kaniyang trabaho at maging ang mga katiwalian sa loob ng ahensya.

Sinabi ni Villa na hindi kinaya ng kanyang kapatid ang mga tiwaling gawain sa ERC tulad ng pagpapalusot ng mga kontrata na hindi naman dumaan sa tamang proseso.

Dahil dito, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw na sa puwesto ang mga opisyal sa ERC pero agad naman tumugon ang mga ito at nanindigan na hindi aalis sa kanilang trabaho.

Read more...