Cement mixer truck, tumagilid sa bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City

Cement mixer truck
Kuha ni Louie Ligon

Nagdulot ng matinding daloy ng trapiko sa westbound lane ng Commonwealth Avenue sa Brgy. Tandang Sora sa Quezon City ang humambalang sa kalye na cement mixer na pag-aari ng San Jose Builders matapos tumagilid sa dulong bahagi ng flyover.

Ayon kay MMDA Inspector Virgilio Fulgencio, kaagad tumakas ang driver ng cement mixer truck na si Virgilio Fernandez na posible aniyang inantok kaya’t nawalan ng kontrol sa minamaneho.

Umabot aniya ang pila ng mga natrapik na sasakyan hanggang Fairview Center Mall o halos walong kilometro mula sa pinangyarihan ng aksidente.

Samantala, ayon naman sa kinatawan ng San Jose Builders na si Engr. Charie Cudilla, hindi na nila makontak ang driver na si Virgilio Fernandez dala marahil sa takot sa kanyang pananagutan.

Aniya, idedeliver sana ang kargang semento sa kanilang kliyente sa Kamuning, Quezon City.

Kuwento naman ni Raymund Refugio, ang site coordinator at sakay ng cement mixer truck, pumutok ang gulong ng kanilang sasakyan kung kaya’t nataranta ang driver dahilan para ito ay tumakas.

Aabot sa mahigit tatlongdaang libong piso ang financial loss o lugi sa panig ng San Jose Builders habang sandamakmak na perwisyo naman ang inabot ng mga motorista.

Bandang 8:55 na ng umaga nang maiangat ang truck sa nasabing lugar.

Read more...