Tuloy ang hearing ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa Senado kaugnay sa pagkakapatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel ay itutuloy ang pagdinig sa kabila nang isinasagawang plenary discussion ng 2017 national budget.
Nauna ng sinabi ni Pimentel kapag may plenary sessions ay kailangan maisantabi muna ang lahat ng committee hearings.
Dagdag pa nito na dahil sa mahabang mga diskusyon ukol sa budget ay nababatak ang kanilang deadline para ipasa ito na dapat ay noon nakaraang Biyernes.
Pero dahil mahalaga ang mga sasabihin ng suspected drug lord na si Kerwin Espinosa kaya itutuloy ang pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Sen. Ping Lacson.
Ayon kay Sandra Cam, pangulo ng Whistlelowers Association of the Philippines, dalawang Senador ang sinasabing nasa listahan ni Kerwin na sangkot sa illegal drug trade.
Naunang ikinunsidera ang Camp Crame bilang venue ng pagdinig pero sinabi ni Philippine National Police Chief Director General Ronald dela Rosa na mas makakabuting sa Senado na lang ito gawin dahil sa dami ng kanilang dapat pang asikasuhin dahil limitado lamang ang kanilang pasilidad sa kampo.
Tiniyak naman ng opisyal na mabibigyan nila ng seguridad ang nakababatang Espinosa sa kanyang pagpunta sa Senado.
Imbitado rin sa pagdinig ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group na sinasabing nasa likod ng pagpatay kay Mayor Espinosa.