Eduardo Manalo, Executive Minister ng INC, handang ibigay ang buhay alang-alang sa Iglesia

inc-manalo inquirer
Inquirer file photo

Handa si Iglesia ni Cristo (INC) Executive Minister Eduardo V. Manalo na isakripisyo maging ang kaniyang buhay para maisalba ang INC na mayroong mahigit sa dalawang milyong miyembro.

Ito ang pahayag ni Manalo sa kaniyang talumpati sa pagtitipon ng mga INC members kamakailan na ginanap sa Makati City at napanood ng mga miyembro nito sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo.

Tahasang sinabi ni Manalo na lahat ng naninira sa INC ay kinakailangan muna siyang patayin bago sila magtagumpay.“Totoo iyang sinabi ng Biblia. Kahit buhay ibibigay alang-alang sa Iglesia. Gagawin po namin iyan,” ayon kay Manalo.

Iyon ang unang pagkakataon na direktang sinagot ni Manalo ang samu’t saring isyu ng katiwalian na ibinabato sa pamunuan ng INC. Bagaman nagsalita si Manalo noong anibersaryo ng INC sa Philippine Arena, hindi ito nagbanggit ng anumang may kaugnayan sa mga alegasyon.

Magugunitang sumiklab ang kontrobersiya sa INC, matapos kumalat ang Youtube video ng mag-inang Tenny at Angel Manalo na nagsabing sila nanganganib ang kanilang buhay. Si Tenny ay ina ni Eduardo at si Angel ay kapatid naman nito. Sa nasabing video din unang ibinunyag na may mga ministro umano ng INC na dinukot.

Ang pahayag ng mag-ina naman ay sinundan ng pasya ng pamunuan ng INC na sila ay itiwalag kasama ang iba pang miyembro ng pamilya Manalo./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...