Madugong kampanya kontra droga, isinalarawan sa isang dula sa UP
Isang theater group sa University of the Philippines ang nagpalabas ng isang dulaan na sumasalamin sa araw-araw na patayan sa kasagsagan ng mas pinaigting na kampanya ng administrasyong Duterte kontra iligal na droga.
Ang theater play na pinamagatang “Intersection” sa direksyon nina Nicole Lorenzo ng Dulaang UP at Miguel Bongato ng UP Repertory, ay naglalayong mag-bigay ng kaalaman tungkol sa karapatang pantao at due process.
Umiikot ang kwento nito sa isang mamamatay tao na ang target lamang ay mga kriminal, at sa isang mamamahayag na nagbabalita sa resulta ng mga ginagawa ng naunang karakter.
Ayon kay Roseball Toledo na bidang aktres sa “Intersection,” nais nilang iparating sa kwento ang kahalagahan ng buhay bilang karapatang pantao.
Aniya, kung nagkakaroon ng problema sa mga kriminal, ang batas dapat ang bahalang sumagot dito, at hindi tama na patayin lang ang mga kriminal dahil wala silang ginagawang mabuti sa buhay nila.
Tila sinasalamin ng nasabing dula ang araw-araw na nangyayari sa bansa sa loob ng unang apat na buwan ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ngayon ay aabot na sa 2,400 ang bilang ng mga nasawi dahil sa iligal na droga kaugnay ng kampanya ng administrasyong Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.