Desisyon ng SC sa Marcos burial, malabo nang mabago-SolGen

 

Nanindigan ang pamahalaan na walang nalabag na batas sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).

Sinagot ni Solicitor General Jose Calida ang banat ni Albay Rep. Edcel Lagman at ng iba pang mga petitioners sa kaso sa Supreme Court, na maituturing na contempt of court ang naganap na Marcos burial noong Biyernes.

Ayon kasi kay Lagman, hindi pa final and executory ang desisyon ng Supreme Court kaugnay sa Marcos burial at hindi pa sila nakakapaghain ng kanilang apela sa korte.

Iginiit naman ni Calida na ibinasura na ang mga petisyon at inialis na rin ng Kataas-taasang Hukuman ang status quo ante order.

Bilang naibasura naman na ang mga petisyon, nangangahulugan aniya ito na wala nang humahadlang sa mga respondents para ipagpatuloya ng paglibing kay Marcos sa LNMB.

Kabilang sa mga nabanggit ni Calida na respondents ay ang Palasyo, Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na pawang mga nangasiwa sa biglaang Marcos burial.

Hinimok pa ni Calida si Lagman at iba pang mga abogado na balikan ang kanilang mga kaalaman kaugnay sa epekto ng pag-aalis ng status quo ante order sa mga kaso, bago sila magsalita sa harap ng media.

Dagdag pa ng SolGen, malabo nang baguhin pa ng Supreme Court ang 9-5 decision nito dahil sa numerical superiority ng majority sa mga bumoto.

Umapela rin si Calida sa publiko na igalang at sundin pa rin ang naging desisyon ng SC at wakasan na ang mga hidwaan at hindi pagkakaintindihan.

Bukod kay Calida, una na ring nagpahayag si Supreme Court spokesman Theodore Te na wala namang umiiral na kautusan sa korte na nagbabawal sa Marcos burial sa LNMB kaya wala itong problema.

Read more...