Lagman, ihahain na sa SC ang omnibus motion laban sa Marcos burial sa LNMB
Nakatakdang maghain si Albay Rep. Edcel Lagman ng isang omnibus motion sa Korte Suprema bukas (November 21).
Ito’y kaugnay sa pasikretong paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani noong Biyernes (November 18).
Ayon kay Lagman, kalakip ng omnibus motion ang motion for exhumation, o paghuhukay sa kung anuman aniya ang inilibing sa puntod ni Marcos sa LNMB.
Maliban dito, sinabi ni Lagman na magsasampa siya ng mosyon sa Mataas na Hukuman para i-contempt ang mga conspirator o kasabwat umano ng pamilya Marcos sa biglaan at palihim na Marcos burial.
Giit ng Kongresista, ang paglilibing kay Marcos sa LNMB ay “premature, precipitate and irregular” lalo’t hindi pa pinal ang ruling ng Supreme Court.
Sa paghahain naman ng motion for exhumation, ipinaliwanag ni Lagman na may ilang rason kung bakit ito nararapat gawin.
Ito’y para raw hindi maging moor and academic ang ihahaing motion for reconsideration laban sa 9-5 ruling pabor sa Marcos burial, at pagtutuwid umano sa kawalang-galang na hakbang ng pamilya Marcos.
Umaasa si Lagman at iba pang petitioners na sa lalong madaling panahon ay magpapasya ang Korte Suprema sa mga mosyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.