Naghahanda na ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa inaasahang mas malawak pang kilos-protesta sa Metro Manila laban sa biglaang paglibing kay dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani kahapon.
Ipinahayag ni NCRPO Director General Oscar Albayalde na hindi naman pipigilan ng pulisya ang mga ito hangga’t isasagawa ito sa mapayapa at maayos na paraan.
Aniya, iginagalang ng mga pulis ang freedom of assembly.
Hihigpitan na rin ng Philippine Army ang seguridad sa LNMB sa Taguig City.
Noong Biyernes, libu-libong tao ang nagtipon-tipon sa People Power Monument sa EDSA Shrine ilang oras matapos mailibing si Marcos sa LNMB.
Kinondena ng mga ralyista ang hakbang na ito ng pamilya Marcos.
Samantala, inanunsyo rin ng Bagong Alyansang Makabayan ang planong malawakang protesta sa November 25.