Imelda Marcos: Matatahimik na ang dating pangulo sa kanyang libingan
Kasabay ng mga kilos protesta kaugnay sa naging libing ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay dumagsa naman sa puntod ng dating lider ang ilan sa kanyang mga loyalista.
Sakay ng mga bus galing sa iba’t ibang mga lugar sa Ilocos Norte ay naghayag ang mga Marcos’ loyalists ng kanilang saya sa naging hero’s burial sa dating pangulo.
Sinabi ni dating First Lady Imelda Marcos na tiyak niyang matatahimik na ngayon sa kanyang kinalalagyan ang dating pangulo dahil natupad na ang kanyang huling kahilingan na mailibing kasama ang mga sundalo.
Isa umanong karangalan para sa kanilang pamilya na maglingkod bilang lider ng bansa ang dating pangulo.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang dating unang ginang sa mga ginagawang kilos protesta simula pa kahapon dahil sa nasabing paglilibing sa dating strongman.
Simula naman kahapon ay mahigpit pa rin ang ipinatutupad na seguridad sa paligid ng Libingan ng mga Bayani.
Maliban sa mga tauhan ng Philippine Army na siyang may hurisdisyon sa naturang libingan ay may mga tauhan na rin ng pulisya sa paligid nito.
Nauna nang sinabi ng ilang mga grupo na maglulunsad pa sila ng mas malaking mga kilod protesta bilang pagpapakita ng pagtutol sa hero’s burial para kay Marcos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.