People Power monument hindi pa rin iniiwan ng mga anti-Marcos protesters
Tiniyak ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na patuloy na ipatutupad ang maximum tolerance sa hanay ng mga nagpo-protesta sa People Power monument.
Ngayong umaga ay inaasahan muli ang pagpunta sa nasabing lugar ng ilang mga tutol sa ginawang paglilibing sa mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani kahapon.
May ilang mga ralyista ang nag-overnight sa naturang bahagi ng Edsa pero sila’y binantayan ng mga pulis para matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa lugar.
Sinabi ni NCRPO Dir. Oscar Albayalde na walang permit ang mga ralyista pero hahayaan nila ang mga ito na manatili sa lugar kasabay ang pakiusap na huwag nilang harangin ang mga motorista na dumadaan sa Edsa.
Kapansin-pansin naman ang pagbusina ng mga sasakyan na dumadaan sa harap ng People Power monument bilang suporta sa mga nagsasagawa ng kilos-protesta.
Mayroon na ring mga nagtitinda ng mga anti-Marcos shirts at banner sa lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.