“He who lives the life of a thief, gets buried like a thief.”
Ito ang reaksyon ng Commission on Human Rights (CHR) kaugnay sa biglaang paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Naninindigan pa rin ang CHR na ang paglagak sa mga labi ni Marcos sa LNMB ay labag sa batas dahil sumasalungat ito sa human rights obligation na nakasaad hindi lang sa Konstitusyon kundi sa international law rin.
Ayon pa kay CHR chairperson Chito Gascon, ang ginawang paglibing kay Marcos kahapon ay tahasang hindi pagsaalang-alang sa ligal na proseso dahil hindi pa naman pinal ang desisyon ng Supreme Court.
Giit ni Gascon, sa due process, kailangang igalang ang karapatan ng mga partido na maghain ng mga motions for reconsideration sa mga naging desisyon ng hukom sa loob ng itinakdang panahon.
Muli namang iginiit ng CHR na ang pagkakalibing kay Marcos ay hindi nangangahulugan na mabubura nito ang katotohanan tungkol sa mga paglabag sa karapatang pantao na namayagpag noong panahon ng martial law.