Pag-prusisyon ng patay sa malalaking kalsada sa Metro Manila, ipinagbawal na ng I-ACT
Ipinagbabawal na ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) ang pagkakaroon ng mabagal na prusisyon ng karo ng patay sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manger Tim Orbos, sa pamamagitan ng pagbabawal sa mga prusisyon ng patay, mas maiiwasan ang pag-build up ng traffic sa mahahalagang kalsada sa Metro Manila.
Nakipagpulong naman na si Orbos sa mga may-ari ng punerarya at pumayag naman ang mga ito sa mga bagong patakaran kaugnay nito.
Kabilang rito ang pagpapatakbo ng karo ng patay sa normal na bilis oras na makalabas na ito sa punerarya, at dapat rin itong sumunod sa mga batas trapiko.
Hindi na rin aniya magpapahinto ng daloy ng trapiko para lang padaanin ang karo ng patay.
Para naman masunod ang tradisyon ng may naglalakad sa prusisyon, maari namang magtalaga ng mga walk areas na tutukuyin base sa magiging pagsusuri ng mga punerarya.
Ayon kay Orbos, kabilang ang mga nasa industriya ng punerarya sa mga dapat makisama sa pangangailangan ng mga karagdagang hakbang upang mapagaan ang daloy ng trapiko sa kalsada.
Ipapatupad ang nasabing bagong patakaran hanggang sa pagtatapos ng taong ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.