Sa ilalim ng kanilang kontrata, papalitan ng Busan Universal Rail Inc. (BURI) ang buong signaling system ng MRT-3 sa loob ng 24 buwan.
Ito ay para ma-upgrade at mas matiyak ang kaligtasan ng MRT-3, upang mas kaunting aberya na ang maranasan ng mga commuters lalo na ngayong malapit na ang holiday season.
Ayon pa sa BURI, isinailalim na nila sa bogie inspections ang 52 cars, at lahat ng mga bogie frames na may sira na ay pinalitan na gamit ang mga spares.
Pinalitan na rin nila ang mga depektibong motor at mga aircon compressors.
Ayon kay BURI spokesperson Charles Mercado, batid nila ang kahalagahan na mabigyan ng mabilis at ligtas na transportasyon ang lahat ng mga mananakay ngayong holiday season.
Dagdag pa ni Mercado, nalampasan na nila ang kanilang target na maximum serviceable number ng bagon mula nang mag-umpisa ang kanilang kontrata noong Enero.
Sa ngayon, 65 na bagon ang nasa mabuting kondisyon, na katumbas ng 20 tren na may karagdagan pang isang train set at extra na dalawang train cars.
Sumasailalim naman ngayon sa general overhaul ang apat na train cars.
Gayunman, sinabi ni Mercado na dahil na rin sa katandaan ng system ng MRT-3 na halos 20 taon na, posible pa ring magkaroon ng mga breakdowns at temporary shutdown kahit pa magsagawa sila ng maintenance at calibration.
Ang trabaho aniya nila ay mabawasan lamang ang mga aberya na maaring maranasan ng MRT-3.