Anomalya sa National Printing Office umabot na sa Senado

NPO
Inquirer file photo

Pinayuhan ni Senate majority leader Tito Sotto ang mga nababahalang kawani ng National Printing Office (NPO) na idulog sa Senate Blue Ribbon Committee ang mga sinasabing anomalya sa kanilang ahensiya.

Ayon kay Sotto nakakatiyak siya na aaksiyon agad si Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon sa mga reklamo ng anomalya.

Binanggit ni Sotto ang mga ulat ukol sa umano’y pagpabor ng isang mataas na opisyal ng NPO sa ilang contractors.

Base sa mga ulat, unang nai-award sa Western Visayas Printing Corporation ang pag-imprenta ng SSS accountable forms na nagkakahalaga ng P74 Million.

Ngunit dahil umano sa pag-maniobra ng isang “alias Ruben” ay nakasama sa printing orders ang tatlo pang kumpaniya na may basbas ni NPO Deputy Director Sherwin Castañeda.

Bunga nito posibleng tumaas pa ang P74 Million na budget allocation para sa pag-imprenta ng SSS forms.

Pangamba ng NPO Workers’ Association (Napowa) maaring magkaroon ng ghost deliveries para mapagtakpan ang mga karagdagang kontrata.

Binanggit din ng unyon ng mga kawani na naibigay pa ng nakahabol na Tri-Print Work ang nakuhang kontrata sa Jat Printing na walang accreditation mula sa NPO.

Nabatid din na isang alias “Rachel” at isang alias “Paul” ang umano’y nangingikil ng P5 Million sa mga security printers na naghahangad na makuha naman ang multi- milyong pisong kontrata para sa accountable forms ng LTO, LTFRB, Bureau of Customs, DENR at Marina.

Nabatid din na alam na ni Communications Sec. Martin Andanar ang mga alegasyon dahil sa ilalim ng kanytang tanggapan ang NPO.

Read more...