Hindi ‘Fake’ ang bigas na pinasuri ng ilang consumers sa Davao at Naga City, ayon sa NFA

fake rice
Mula sa cebudailynews.inquirer.net

Kinumpirma ni National Food Authority Administrator Renan Dalisay sa Radyo Inquirer na hindi ‘fake rice’ ang nabili ng isang indibidwal sa Naga City gayundin sa Davao.

Ayon kay Administrator Dalisay, na ang nabiling umano’y ‘fake rice’ ng isang  Salvador Chunako  sa isang tindahan sa Naga ay hindi peke bagkus luma itong bigas kaya’t may pagbabago na sa hitsura at lasa nito.

Ganito rin ang resulta ng pagsusuri ng NFA sa sinasabing fake rice sa Davao.

Sa resulta ng hiwalay na laboratory test, lumabas na  tunay na bigas ang nabili sa isang canteen sa Davao.

Nagmukha lamang umanong peke dahil bago ipakita sa media ang kanin na sinasabing mula sa fake rice, dumaan itong sa matinding freezing o nagyelo kaya nang basain ay nadurog ito na inakalang fake rice.

Naniniwala naman si Dalisay na malaki ang naging epekto ng Youtube sa isipan ng mga Pilipino hinggil sa fake rice, kung saan unang nakita ang sinasabing pekeng bigas mula China.

Sinang-ayunan naman ito ni NFA spokesman Angel Imperial Jr, na nagsabing kadalasan nasa isip lang ng tao ang sinasabing fake rice.

Patunay ani Imperial ang mahigit  animnapung reklamo ng ‘fake rice’ na kanilang natanggap na lahat ay negatibo naman ang resulta matapos sumailalim sa pagsusuri.

Umaapila naman si Imperial na kung hinihinalang peke ang bigas na nabili, mas mainam na ipasuri ito sa NFA.

Naniniwala naman si Dalisay na hanggang sa ngayon tunay na bigas pa rin ang nabibili sa mga pamilihan.

Magpapatawag ng pulong-balitaan ang NFA ipara ibayo pang ipaliwanag ng mga eksperto kung bakit nagmumukhang peke ang bigas. / Jong Manlapaz

 

 

Read more...